Ang Pagiging Ako ay Aking Kalayaan

 

Image source: https://anxiety-gone.com/48-positive-affirmations-for-anxiety/

            

            Marami ang kahulugan ng kalayaan. Pwede itong nangangahulugan ng pagkakaroon ng karapatang gawin ang ating gustong gawin. Ngunit hindi lahat mayroon nito. Ang kabataan ang isang grupong hindi pa nakamit ang kalayaan.

            Para sa akin, bilang kabataan, ang kalayaan ay pagiging totoo sa ating sarili. May iba-iba tayong panindigan at pangangailangan. Ngunit hindi natin makuha ang pangangailangang ito dahil ang palaging sabi nila, “Bata ka pa”. Dahil sa kaisipang ito, hinahadlangan nila ang ating karapatan na magpasiya para sa ating sarili. Nahahadlangan ang ating kakayahan na gumawa ng mga bagay na gusto natin.

            Ilang halimbawa nito ay ang pagpili ng ating kurso. May gusto tayong kurso ngunit pinaparamdam ng ating magulang na wala tayong karapatang magdesisiyon para sa ating sarili. Kaya ang resulta nito ay hindi tayo nasisiyahan sa ating ginagawa tapos nawawala na rin ang ating pagganyak sa pagtatrabaho.

            Isa pang halimbawa ay ang pagiging totoo sa ating kasarian. Nahahadlangan ang kalayaan nating pumili kung anong tao tayong gustong maging. Maraming miyembro na ng LGBTQ+ Community ang nasawi ang buhay dahil hindi sila tanggap ng publiko. Ang iba naman ay nahihirapang ilabas ang kanilang saloobin dahil sa takot na baka itakwil sila ng kanilang sariling magulang.

            Para sa akin, kapag ito ay nangyayari, manindigan tayo sa ating karaptan. Manindigan tayo sa kung ano ang tama para sa atin. Huwag tayong matakot na sabihin ating gusto. Kailangan nating siguraduhin na masaya tayo sa ating ginagawa at sa ating piniling buhay. Tandaan natin na kahit ang mga magulang natin ay nagpapasya para sa ating kabutihan, hindi parin tayo magiging masaya kung hindi ito ating gusto. At kung aasa tayo sa mga sinasabi ng karamihan, hinding-hindi tayo magiging masaya dahil hindi iyan nagbibigay kahulugan kung sino talaga tayo.

            Gayunpaman, lagi nating tandaan na unahin ang ating sarili sa pagdedesisyon sa ating kinabukasan. Lagi nating tandaan na may karapatan tayong pumili para sa ating kasiyahan. Lagi nating tandaan na ang pagiging totoo sa ating sarili ay ang tunay na kuhulugan ng kalayaan.

Comments